Ang mga kuwento'y hindi ko narinig deretso mula sa bibig ng mga dyanitor at guwardiya. Simpleng pinasa-pasa lang ang mga ito sa mga estudyante at dahan-dahan halos lahat ay nakarinig na rito. Isang kuwento na hindi ko malilimutan ay ang kuwento ng babaeng nakaputi sa CR ng covered courts. Ang nangyari raw ay naglilinis ang dyanitor sa CR. Halos magaalas-ocho na at wala nang natirang estudyante sa buong paaralan. Naglilinis lang siya sa mga cubicle sa banyo. Nang lumabas siya sa isang cubicle, tumingin siya sa malaking salamin na nasa dulo ng kuwarto. Ang nakita niya'y hindi niya malilimutan: isang babaeng nakaputi at ang mukha'y tinatakpan ng kaniyang buhok. (Komento: Habang sinusulat ko ito, ang buhok sa aking batok ay nakatayo na.) Nakatayo lang ang babae doon at tinitingnan lang ang dyanitor. Agad-agad ay tumakbo na raw ang dyanitor at hindi na siya lumingon.
Ito ang kuwentong hindi ko malilimutan dahil talagang natakot na ako pumasok sa CR na iyun. Ngunit, mayroong isang kuwento na narinig ko paulit-ulit na lang: ang kuwento ng kapre sa punong Balete.
Sa dulo ng palaruan ng soccer, mayroong napakalaking puno. Sa sobrang laki niya halos hindi mo na makikita ang nasa likuran nito. Ang punong ito ay matagal nang andoon. Hindi ito ngayon lang tinayo, kundi panahon pa ng mga magulang ng ibang estudyante. Talagang luma na ito. Ngunit, ang kuwento tungkol dito ay hindi nagbago. Ayon sa karamihan, may nakita na raw silang kapre sa puno na iyan.
Sa mga hindi nakakaalam, ang kapre ay isang nilalang na tila higante at nakatira sa puno ng balete. Ito ang isang larawan ng kapre.
Eh, ikaw? Ano sa tingin mo?