Linggo, Hunyo 21, 2015
Talaga? (Blog Entry #1)
Isinisulat ko ang artikulong ito upang subukang masagot ang isang tanong. Sapagkat ito'y sinagot na ng ibang tao, hindi karapat-dapat na hindi ko rin sasagutin.
"Ang Pilipinas ba ay isang malaya na bansa?"
Halos araw-araw tinatanong ko ito sa aking sarili. Ngunit, alam na alam ko ang sagot. Hindi.
Bakit naman hindi? Wala namang mga taga-Espanya o taga-Amerika na naninirahan at sinasakop ang ating bansa. May sarili na tayong pamahalaan. Wala nang kumokontrol sa atin. Tayo ang nagpapatakbo ng ating bansa. Ngunit, hindi pa rin tayo malaya. Hindi tayo tunay na malaya. Ito'y dahil lamang sa bunga ng isang bagay na tinatawag na postkolonyalismo.
Ang postkolonyalismo ay kumbaga self-explanatory. Ito ay ang pag-aaral at pagsusuri ng mga bunga at epekto sa isang bansang dating sinakop ng isa pang bansa. Ang Pilipinas, sa kaalaman ng lahat, ay sinakop ng Espanya, Amerika, at ng mga Hapon dati. Dahil dito maraming nagbago sa kultura at tradisyon natin. Tayo'y naging tinatawag na mixed culture dahil iba't ibang mga bansa ay naghalo ng kanilang mga ideya't proposisyon.
Ang bansa na sinubukang gawin tayong koloniya ay ang Espanya. At sila'y talagang nagtagumpay. Tayo'y nasa kanilang kapangyarihan higit pa sa tatlong daang taon. Kaya't ang paghahari ng Espanya ang pokus ng artikulong ito.
Isa sa mga pinakanapapansing impluwensiya ng Espanya sa ating bansa ay ang relihiyong Katoliko. Ang Pilipinas ay itinituring isa sa pinakarelihiyosong bansa sa Timog-Silangang Asya. Ito'y bunga ng pagiging opisyal na lider ng pamahalaan ang mga pari. Sila ang ating gobyerno noon. Walang pagkakaiba ang estado at ang simbahan dahil ang simbahan ang estado. Higit pa rito, sila ang mga guro kaya't wala silang ibang tinuro kundi ang Katoliko at mga salitang Espanyol. Ngayon, halos buong bansa natin ay Katoliko, maliban na lamang sa parte na hindi talagang isinakop ng mga Westerners (Mindanao). Ang mga gawaing ginagawa ng mga Espanyol ay ginagawa rin natin. Ang mga kapistahan nila tulad ng mga pista ng mga santo, idinidiriwang din natin. Halos wala nang natirang relihiyong tradisyon na ginawa ng ating mga katutubo.
Higit pa sa Katoliko, ang isa pang malaking ibinigay ng Espanya sa atin ay ang ating wika. Oo, karamihan sa ating mga salita ay sarili nating gawa, ngunit ayon sa http://en.wikipilipinas.org/index.php/List_of_Tagalog_loanwords, mayroong limang libong salita na ihiniram ng mga Pilipino mula sa mga Espanyol. Ang pagsasabi ng "silya" sa halip na "upuan" ay isa sa mga impluwensiya. Higit pa, ang mga salitang mesa, dose, Hesu Kristo, hitsura, at marami pang iba ay impluwensiya rin. Sa katotohanan, ang wikang Filipino ay hindi tunay na wikang Filipino. Ito'y wika na halo rin sa iba; halo sa paghihirap ng ibang tao.
At para sa akin, ito ay ang pinakamalungkot.
Dahil sa lahat ng iba't ibang impluwensiya, dahan-dahan nawawala ang pagiging Pilipino natin. Dahan-dahan, nawawala na rin ang ating identidad. Nawawala ang ating pagkatao.
At sa ngayon, ang tanong ay iba na. Hindi na pareho ang katanungang tatanungin ko sa sarili ko araw-araw. Iba na. Para sa akin, ang tanong na iyun ay:
Pilipino ba talaga tayo?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento