Sabado, Hulyo 4, 2015

WARNING: Mga nilalang sa loob ng Ateneo!

Noong ako'y nag-aaral sa mataas na paaralan ng Ateneo de Manila (Ateneo de Manila High School), napakaraming kuwento ang aking nadinig tungkol sa mga halimaw at multo na naninira doon. Karamihan sa mga kuwento na ito ay mula sa mga dyanitor at mga guwardiya dahil sila ang mga natitira sa eskuwelahan kapag wala nang mga estudyanteng natira. Sila ang huling umuuwi dahil siyempre kailangan nilang ayusin ang gulo na nariyan dahil sa araw na dumaan lang, para sa susunod na araw. Paminsan nga ay hindi na sila umuuwi dahil napakaraming bagay kailangang ayusin. At dahil dito, sila ang mga nakakaranas ng karamihan sa mga kuwentong nakakakilabot at nakakasindak.

Ang mga kuwento'y hindi ko narinig deretso mula sa bibig ng mga dyanitor at guwardiya. Simpleng pinasa-pasa lang ang mga ito sa mga estudyante at dahan-dahan halos lahat ay nakarinig na rito. Isang kuwento na hindi ko malilimutan ay ang kuwento ng babaeng nakaputi sa CR ng covered courts. Ang nangyari raw ay naglilinis ang dyanitor sa CR. Halos magaalas-ocho na at wala nang natirang estudyante sa buong paaralan. Naglilinis lang siya sa mga cubicle sa banyo. Nang lumabas siya sa isang cubicle, tumingin siya sa malaking salamin na nasa dulo ng kuwarto. Ang nakita niya'y hindi niya malilimutan: isang babaeng nakaputi at ang mukha'y tinatakpan ng kaniyang buhok. (Komento: Habang sinusulat ko ito, ang buhok sa aking batok ay nakatayo na.) Nakatayo lang ang babae doon at tinitingnan lang ang dyanitor. Agad-agad ay tumakbo na raw ang dyanitor at hindi na siya lumingon.

Ito ang kuwentong hindi ko malilimutan dahil talagang natakot na ako pumasok sa CR na iyun. Ngunit, mayroong isang kuwento na narinig ko paulit-ulit na lang: ang kuwento ng kapre sa punong Balete.

Sa dulo ng palaruan ng soccer, mayroong napakalaking puno. Sa sobrang laki niya halos hindi mo na makikita ang nasa likuran nito. Ang punong ito ay matagal nang andoon. Hindi ito ngayon lang tinayo, kundi panahon pa ng mga magulang ng ibang estudyante. Talagang luma na ito. Ngunit, ang kuwento tungkol dito ay hindi nagbago. Ayon sa karamihan, may nakita na raw silang kapre sa puno na iyan.

Sa mga hindi nakakaalam, ang kapre ay isang nilalang na tila higante at nakatira sa puno ng balete. Ito ang isang larawan ng kapre.


Balik sa kuwento. Ayon sa kanila, kapag nakita nila ang kapre, ito'y nakatingin lang sa kanila at sila'y nakatingin lang din. Walang sinasabi, walang ginagawa, kundi tinginan lang. Siyempre hindi sila sisigaw dahil kung gagawin man nila ito, baka'y anu-ano pa ang gagawin ng kapre sa kanila. Kaya't umaalis lang sila at hindi na sila bumabalik dito. Inilarawan nila ang kapre bilang isang higante na nakaupo lang sa puno, parang ang nasa larawan. Dahil sa karamihan ng kuwento (at baka dahil sa katunayan nito), ang parte ng field na iyun ay sinarado. Hindi pinayagan pumunta ang mga estudyante doon dahil ayon sa kanila ay "may ahas" daw. Ngayon kapag tinatanong na ang mga guwardiya tungkol dito, sasabihin nilang 'di nila alam kung anong pinapagusapan mo. Hindi raw ito totoo. Ngunit, ang sinasabi nila'y hindi totoo. Dahil ito'y, para sa akin, totoo.

Eh, ikaw? Ano sa tingin mo?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento